Aminado ang Department of Health na ‘worrysome’ na o dapat nang ikabahala ang pagsipa ng mga kaso ng dengue sa bansa.
Sa Media Forum, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na 15 mula sa 17 mga rehyon sa bansa ay lumagpas na sa epidemic threshold ng dengue.
Sa kabila nito, hindi pa rin aniya dapat mag-panic, bagkus ay kailangang pagtulungan ng Gobyerno at ng publiko ang mga hakbang para masugpo ang dengue.
Kabilang na rito ang pagwasak ng mga pinamumugaran ng lamok at iba pa.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Vergeire na hindi nila isinasantabi ang posibilidad na magkaroon ng review para sa paggamit ng kontrobersyal na bakuna kontra dengue na Dengvaxia.
Matatandaang iminungkahi kahapon ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante na napapanahon nang ikonsidera ang pagaaral sa bakunang ito para malabanan ang pagtaas ng kaso ng dengue.
Ayon kay Vergeire, bukas naman ang Gobyerno para sa mga makabagong teknolohiya lalo na kung mayroon naman itong ebidensya para maprotektahan ang mga Pilipino.
Ang kinakailangan lang aniyang gawin ay dapat munang suriing mabuti ang bakuna, pati na rin ang pagtalima ng manufacturer nito na Sanofi Pasteur sa guidelines sa bansa.
Sa huli, sinabi ni Vergeire na hanggat wala pang bakuna na aprubado sa Pilipinas, mahalagang pagtuunan na muna ng pansin ng publiko ang iba pang preventive measures kontra dengue.
#