BICOL– Pormal nang nagsampa ng reklamo sa Provincial Prosecutors Office ang nasa 40 indibidwal na nabiktima ng COMPLAN – ang umano’y iligal na cryptocurrency investment scheme na nagtangay ng milyong pisong halaga ng pera mula sa tinatayang halos 1,700 investors na karamihan ay mga residente sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa tulong ng National Bureau of Investigations, matagumpay na naisampa ng 40 complainant mula sa mga bayan ng Viga, Bagamanoc at Pandan, ang kasong Estafa laban sa lima kataong itinuturong mga suspek na namuno at nangasiwa sa nasabing investment scheme.
Kinilala ang mga itong sina Darius Panti; Maureen Ambrosio; Mary Winsionn Ibarreta at Kenneth Bryan Suarez kung saan sa mga ito umano nakapangalan ang bank accounts kung saan inihulog ang pera, habang kasama naman ang isa pang nagngangalang John Doe na siyang itinuturong Trader Broker.
Tinatayang aabot sa P55-P60 million ang blood money na sinusubukang habulin ngayon ng mga nabiktimang investors na kinabibilangan ng mga mga guro, empleyado ng gobyerno, laborers, abaca strippers, mga OFW at maging ng isang abogado. Ang nasa 40 complainant ang mag re-representa at magsisilbing downlines ng libo-libong naloko at nabiktima ng naturang investment scheme.
Matatandaan na inabisuhan ng Securities and Exchange Commission (SEC) Bicol ang mga Bicolano na iwasang magpaloko sa mga investment companies na walang kaukulang permiso ang operasyon mula sa kanila.###