BICOL – TATANGGAP na ang National Police Commission o NAPOLCOM-Bicol ng aplikasyon ng mga nagnanais kumuha ng PNP Entrance Exam simula ngayong araw, Oktubre 7.
Sa inilabas na public advisory, magsisimula nang mag proseso ang Regional Office ng mga aplikasyon na ipinadala sa kanilang Online Examination Application Scheduling System (OLEASS).
Paglilinaw pa ng NAPOLCOM-Bicol, ang unang letra ng apelyido ng aplikante ang magde determina ng kanilang schedule para magpadala ng aplikasyon online.
Ngayong araw, Oktubre 7 ang itinakdang Day 1 kung saan maaari nang mag apply sa pamamagitan ng OLEASS ang mga aplikanteng may apelyido na nagsisimula sa letters A at B.
Sa Oktubre a-8 naman naka schedule ang mga may apelyidong nagsisimula sa letrang C, D, E at F. Ikatlong araw ng pagpasa ng aplikasyon sa Oktubre a-9, para naman sa mga may apelyidong nagsisimula sa G, H, I, J, K at L. Habang sa Oktubre a-10 naman ang schedule ng mga aplikante may apelyido na nagsisimula sa M, N, O, P at Q at ang R hanggang Z ay naka schedule naman sa huling araw ng aplikasyon sa Oktubre a-11.
Samantala, mahigpit naman ang naging paalala ng NAPOLCOM-Bicol na dapat na striktong sundin ng mga aplikante ang itinalagang schedule upang matiyak na ito ay mapo proseso.
Maaari lamang din umanong i-access ang OLEASS tuwing alas dose ng tanghali mula Oktubre 7 hanggang 11 sa webpage na www.oleass-napolcom.com.
Nakatakda namang isagawa ang PNP Entrance Examination sa darating na November 27, 2021.