Naomi Osaka, sinilaban ang cauldron sa pagbubukas ng Olympics

Sinilaban ng global superstar ng Japan na si Naomi Osaka ang cauldron ng Olympics para markahan ang pagsisimula ng Tokyo 2020, sa isinagawang opening ceremony sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Isinasagawa ngayon ang Games na walang mga manunuod sa Tokyo, dahil sa ipinatupad na state of emergency dahil sa patuloy na paglaban ng naturang bansa sa COVID-19.

Sa naging takbo ng event sa stadium, ay ipinasa ang torch sa mga Olympic champions, papunta sa mga baseball legends, mga doktor at nurse, isang Paralympian, at sa ilang kabataan na mula sa iba’t-ibang bahagi ng Japan na tinamaan ng lindol at tsunami noong March 2011.

Pagdating sa dulo ay ibinigay ang torch kay Osaka, na 23-anyos na four-time tennis grand slam champion.

Inihayag naman ni Osaka sa isang tweet na ito na ang greatest athletic achievement at karangalan na natanggap niya sa kaniyang buong buhay.