SORSOGON CITY – Umaabot na sa 1,800 na mga asong gala ang nahuli ng Task Force Stray Dog ng City Vet mula buwan ng Enero.
Ayon kay Sorsogon City Veterinary Office head Dr. Alexander Destura, sa nasabing bilang ay halos nasa 10% lamang dito ang tinutubos ng mga may-ari habang ang mga hindi na tinutubos ay bukas upang ipaampon at kung wala namang kukuha ay kanila na lamang umanong isinasailalim sa euthanasia.
Samantala, sinabi naman ng opisyal na tatlong (3) araw lamang ang ibinibigay na palugit sa mga dog owners upang tubusin ang kanilang mga alagang aso sakaling ito ay nahuli ng Task Force Stray Dog.
Aniya, bilang proseso ng pagtubos ay kinakailangang magtungo ang pet owner sa kanilang opisina upang tiyakin kung nasa dog pound nila ang partikular na aso.
Kapag natiyak, ay mag-iisyu na ng payment order ang City Vet na babayaran ng may-ari sa City Treasurer’s Office.
Kailangan din na mayroong dalang kadena o kulungan ang may-ari bago irelease o ibalik sa may-ari ang kanyang alagang aso.
