NAGA CITY – Kasalukuyang nasa ikatlong pwesto ang Naga City sa may pinakamaraming kaso ng rape at child abuse base sa Regional Trial Court.
Sa isinagawang 2nd Bicol Stakeholders Networking against Human Trafficking, ibinahagi ni Hon. Agaton Fajardo, 2nd Vice Executive Judge at Presiding Judge ng RTC Branch 6 Family Court of Naga City na nasa 36 na kaso ang hawak nila ngayon na lumabag sa batas na pumoprotekta sa mga kababaihan at bata, 76 naman ng rape cases at 78 sa pagbalga ng batas na may kinalaman sa child trafficking. Hiwalay pa ito sa mga kasong naitatala ng Branch 20 at 28 sa lungsod.
Sa nasabing pagtitipon, isinama na rin ang pagpapalakas sa kaalaman ng mga kalahok patungkol sa mga batas na nagpoprotekta sa pamilya lalo na sa mga anak at menor de edad. Nabanggit din na ilan sa mga salik kung bakit hanggang ngayon marami pa rin ang kaso ng pang-aabuso sekswal sa mga kabataan ang labis na kahirapan, pagiging malihim ng mga kabataan sa kanilang magulang at ang guardianship kung saan karamihan sa mga ka live-in partner ng ina o ama ng bata ang siyang suspek sa ganitong mga krimen.
Sa ilalim naman ng pinalakas na Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials, habang buhay pagkakakulong ang ipapataw sa sinumang lumabag sa batas o di kaya’y dalawang milyong penalidad.