Ipinatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga producers ng noontime variety show na “It’s Showtime” dahil sa mga reklamo kaugnay sa Isip-Bata segment nitong July 25.
Sa naturang segment ay makikitang naging sweet sina Ion Perez at Vice Ganda habang idine-demo ang pagsimot ng cake icing.
Tinutukso pa ang real-life partners ng kapwa nila mga hosts habang kinikilig sa pagsimot ng cake icing sa harap ng mga resident kiddie mainstays.
Sa memorandum ng MTRCB, ang naturang eksena umano ay paglabag sa “Section 3 of Presidential Decree No. 1986 and Its Implementing Rules and Regulations.”
Ayon pa sa ahensya, nakatanggap umano sila ng “numerous complaints” dahil sa “indecent act/s” na ipinalabas sa naturang segment.
Kaninang alas-10:00 ng umaga, July 31, 2023, isinagawa ang hearing sa naturang reklamo sa opisina ng MTRCB sa Timog Avenue, Quezon City.