Mikey Williams, unang rookie na nagwagi ng Finals MVP matapos ang 18 taon

Malaki ang naging ambag ng rookie na si Mikey Williams sa naging kampanya ng Talk ‘N Text para sa titolo ng PBA Philippine Cup.

Ito ay matapos nitong magtala ng average na 27.6 points, 5.2 rebounds, at 4.8 assists sa gitna ng tagumpay ng Tropang GIGA laban sa Magnolia sa limang laro at pagtanggap niya ng Finals Most Valuable Player award.

Sinabi ng 30-anyos na Fil-Am na unang rookie na nag-uwi ng pagkilala na Finals MVP simula noong 2003, na naging tunay na hamon para sa lahat ang mga laro.

Ipinunto ni Williams na hindi niya makakamit ang kaniyang panibagong tagumpay kung wala ang suporta ng kaniyang teammates na nagbigay sa kaniya ng pagkakataon na makapuntos laban sa Hotshots.

Matatandaan na huling naigawad ang Finals MVP award sa isang rookie noong 2003, nang maibigay ito kay Brandon Cablay sa 2003 PBA Invitational Championships para sa Alaska.