Sinimulan na ngayong hapon sa Davao City ang pagpapatuloy ng pagdinig sa di umano’y bayaran sa isinusulong na People’s Initiative (PI).
Kung saan muli na naman itong pinanguhan ni Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, Chairperson, Senadora Imee Marcos kasama sina Senador Ronald Bato Dela Rosa at Senador Christopher “Bong” Go.
Sa nasabing pagdinig ay inilatag ni Davao del Norte Governor Edwin Jubahib ang mga nalikom niyang ebidensya tulad ng screenshot ng group message kung saan hinihimok ang lahat ng mga employee ng Tagum na pumirma sa form ng PI.
Maliban pa roon, ipinakita rin ni Jubahib sa kanyang presentasyon ang sample ng mga form na ipinaikot sa mga bara-barangay upang pirmahan.
Ayon kay Jubahib, ayon sa ilang pumirma rito, hindi nila alam kung ano talaga ang kanilang pinirmahan.
Samantala ang ilan naman ay pinangakuan umano na kung pipirma sa form ay tiyak na silang magiging parte ng mga benepisyaryo ng programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).