LEGAZPI CITY – Tinutukan ng lokal na pamahalaan ng Daraga ang mga reklamong natatanggap nila na may kinalaman sa rental fees ng mga nagtitinda sa kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay Mayor Awin Baldo, hindi dapat pinalalampas ang ganitong mga suliranin ng mga nagtitinda sa public market sa nasabing bayan.
Dahil dito, ipinatawag ng alkalde ang supervisor at tenants upang talakayin ang mga isyu ng pagpapa-sublease ng mga stall sa merkado publiko.
Binigyan ng pwestong marerentahan ang mga Daragueños sa public market upang sila mismo ang magtinda.
Hindi dapat pinaparentahan sa iba ang kanilang pwesto, maliban na lamang kung sa kamag-anak nila ililipat ito.
Nais nitong bigyan ng pagkakataon ang mga gustong magtinda at nang mabigyan din sila ng pagkakataong makapaghanap-buhay nang maayos.
Sinabi pa ni Baldo, anumang oras o araw ay padadalhan na lamang nito ang mga market stall owners na nagpa-sublease upang bigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag.
Sa ngayon ay bakante muna ang pwesto ng mga nasabing tenants bago ito i-reprocess at wala ring penalidad na ipapataw sa kanila basta’t maayos ang naturang isyu.
Matatandaan, noong Hulyo 7, 2022, naglabas ang alkalde ng Executive Order No. 12, series of 2022 o “An Order of Temporary Moratorium on the Collection of the Increase of Stall Rental Fees in Daraga Public Market,” na nagpakansela ng 5% rental increase at additional na 10% surcharge para sa mga late payment ng mga stall owners.