Pinatutugunan ni House Speaker Lord Allan Velasco sa Commission on Elections o COMELEC ang lahat na mga natatanggap na reklamo ng mga nagpaparehistro para sa darating na 2022 elections.
Ayon kay Velasco, hindi dapat na maging pahirapan o maging hadlang para sa mga eligible voters lalo na ang mga first time voter ang kanilang pagpapatala.
Partikular na iginiit ng opisyal ang mga reklamo kaugnay sa sobrang haba ng pila na kahit madaling araw pa nagsimula ay wala pa ring nakukuhang slot ang mga nakapila.
Kaugnay nito ay naniniwala si Velasco na ang isa sa solusyon ay ang pagpapalawig pa ng registration period ng isang buwan o hanggang sa October 31 mula sa deadline na September 31.
Deserve umano ng mga botante ang extension dahil sa mga lockdown na ipinatupad ngayong pandemic.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority, nasa 73 million ang qualified voters para sa May 2022 elections.
Sa tala ng Comelec, nasa mahigit 61 million na ang registered voters.