Mga pusit, bumiyahe patungo sa outer space

International Space Station– Dahil squid season ngayon, talamak sa mga public market ang isa sa mga paboritong uri ng sea food nating mga Pinoy – ang PUSIT! Bunsod ng masaganang huli, hindi rin ito nawawala sa menu ng  mga karinderya, mapa calamares, adobo o ginataang pusit man ay tiyak na makikita natin ito sa mga kainan.

Subalit, maniniwala ba kayo na hindi na lang sa mga pamilihan at karinderya talamak ang pusit? Maging sa kalawakan kasi o outer space ay nakarating na rin ang mga pusit.

Ito ay matapos na ibiyahe ng mga siyentista ang dose-dosenang pusit bilang bahagi ng kanilang eksperimento sa pagtukoy ng epekto ng nasabing expedition sa katawan at buhay ng pusit.

Ito ay kaugnay ng pag-aaral ng mga eksperto hinggil sa paghahanap ng paraan kung paano mas mabibigyan ng sapat na proteksiyon ang buhay ng mga astronaut sa tuwing ang mga ito ay nasa outer space.

Batay kase sa pag-aaral, parehong may epekto sa immune system o resistensya ng mga pusit at tao ang gravity sa outer space kaya’t layunin ng nasabing experiment na matukoy ang sanhi nito.

Nasa kabuuang 128 na mga Hawaiian bobtail squid ang inilipad at isinama ng mga scientists sakanilang Spacex resupply mission papunta sa International Space Station.

Umaasa umano ang mga ito na makakatulong ang nasabing misyon para sakanilang pag-aaral na magbibigay ng sapat na kaalaman para mapanatiling ligtas ang mga scientist ng mundo sakabila ng mapanganib nilang trabaho.|| JUMEL DELA ROSA