Umapela ang mga miyembro ng Quad Committee sa Kamara sa Office of the Solicitor General na imbestigahan at magsampa ng forfeiture cases laban sa umano’y kuwestyonableng pagbili ng lupain ng Chinese nationals upang makapag-operate ng mga negosyo sa bansa.
Pormal na itinurn-over ng quad comm sa OSG ang mga dokumento na layong protektahan ang pambansang seguridad at pigilan ang foreign exploitation.
Nais nilang mapanagot ang Chinese nationals na sinasabing nanlilinlang at gumagamit ng pekeng Filipino citizenship upang makabili ng libu-libong ektarya.
Hinimok din ng mga kongresista ang OSG na bilisan ang review at magsagawa ng civil forfeiture proceedings sa pakikipagtulungan ng mga ahensya ng gobyerno.
Kabilang sa mga pangalang tinukoy na sangkot sa land acquisition ay si Aedy Tai Yang na nameke umano ng dokumento upang makakuha ng Filipino citizenship.
Nakapaloob sa nai-turn over na dokumento ang PSA-issued birth certificate ni Yang noong 2004, records mula sa Municipal Civil Registry ng San Antonio, Nueva Ecija, tax declarations ng mga ari-arian at corporate records ng Empire 999 Realty Corporation at Sunflare Industrial Supply Corporation.
Kasama pa sa sangkot umano sa ilegal na property acquisition ang kapatid ni Michael Yang na si Tony Yang at isang nagngangalang Willie Ong.
Idinagdag pa ni Quad Comm Overall Chairman Robert Ace Barbers na nasa proseso pa sila ng pagtukoy sa source ng pondong ginamit ng Chinese nationals sa pagbili ng lupa.
Sinabi ni Barbers na sa susunod na linggo ay inaasahang maisusumite na nila ang partial committee report sa concerned government agencies.