LEGAZPI CITY – Suportado ng Albay Provincial Agricultural Office (APAO) ang mga produktong agrikultural mula sa mga magsasakang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Provincial Agriculturist na si Cheryl O. Rebeta, sinasabi nito na tinatayang aabot sa 50,000 mga magsasaka ang apektado.
Ayon kay Rebeta, sinusuportahan ng kanilang opisina ang mga produktong agrikultural ng mga magsasaka.
Sa katunayan, ang APAO ay direktang bumibili ng mga inaning gulay ng mga lokal na mga magsasaka.
Kinumpirma rin ni Rebeta na nito lamang nakaraang linggo, nagdiskarga naman ng 3,385 na kalabasa at 334 na piraso ng kamote para ipamahagi sa mga residenteng apektado ng Bulkang Mayon.
Bawat piraso umano ng kalabasa ay binibili nila sa halagang P8 para hindi naman umano malugi ang mga ito.
Sinabi pa ni Rebeta na malaki na ang P8 kumpara sa P4 kada kalabasa na presyo noon ng mga lokal na magsasaka.
Samantala, kasama sa assessment ng APAO ang validation, at patuloy na pagpa-finalize ng listahan at ang bilang ng mga magsasaka na apektado ng 6 km permanent danger zone (PDZ).