NAGA CITY – Malaki ang ambag sa dumi at basura sa ilog ng mga pamilyang naninirahan sa gilid at nangangalakal sa ilalim ng mga tulay sa Naga River na sakop ng barangay Peñafrancia, San Francisco, Dinaga, Tabuco at Sabang.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay CJ Zantua, head ng Naga River Management Unit, napag-alaman na ilang taon nang sinisita ng kanilang mga personahe sa Bantay-Ilog ang ilang pamilyang nangangalakal at pumupunta sa ilalim ng mga tulay upang doon paghiwa-hiwalayin ang mga nakuhang kalakal. Nabanggit din ni Zantua na inaksyunan naman na ito ng LGU ngunit pabalik balik pa rin.
Maging ang informal settlers na naninirahan malapit sa ilog ay matagal na ring pinarelocate ng Housing and Settlements Office ngunit bumabalik pa rin sila rito. Pinalagyan na rin nila ng barb wire noon ang mga daanan pababa at papasok sa ilalim ng tulay ngunit inaalis lamang ng mga ito ang mga nakaharang. Aniya, maliban sa nababahala sila sa seguridad ng mga ito dahil sa sobrang pagkaexpose sa maruming kapaligiran, sila rin marahil ang mas maraming naitatapon na dumi at basura sa ilog kung saan nakakaapekto ito sa kalidad ng tubig at sa mga isdang namumuhay dito.
Dagdag pa ni Zantua, bahagi lamang ng Bicol River ang Naga River kaya kung tutuusin, maliit na porsyento lamang ang mga basurang ito ngunit aniya, hindi ito dahilan upang magpakampante at magpabaya ang lokal na pamahalaan.