CAMARINES NORTE – Inihayag ng Camarines Norte Electric Cooperative na ang mataas na singil sa kuryente na binabayaran ngayong buwan ay hindi lang dahil sa pagtaas ng April billing kundi dahil sa taas ng demand ng pagamit nito ngayong mainit ang panahon.
Kaugnay nito ay nagpaalala ang naturang kooperatiba ng kuryente hinggil sa mga praktikal na pamamaraaan para makatipid ng kunsomo.
Sa bahay, huwag hayaang naka stand- by mode ang telebisyon at ang ibang appliances dahil kumukunsomo pa rin ito ng kuryente kahit hindi ginagamit.
Dapat ring linisin ang aircon, filter at condenser kada anim na buwan at isara ang bintana bago ito buksan.
Regular ding linisin ang electric fan para mas malakas ang hangin at matipid ang kunsomo
Mainam din umano kung gagawin ang pagpa plantsa ng mga damit ng isang beses lang kada linggo at gawin ito bago mag alas 9 ng umaga o lagpas alas 9 ng gabi.
Kapag lagpas na sa ¼ na pulgada ang yelo ay dapat nang i- defrost ang refrigerator at i- tsek din kung nakasara ng maayos ang pinto nito.
Mas matipid din ang pagamit LED bulb kaysa sa karaniwang bumbilya.
Mababatid na tumaas ang billing rates para sa buwan ng Abril kaya’t pumalo sa Php9.7102 per kWh ang babayaran sa residential rate na mas mataas kumpara sa Php9.2673 per kWh noong nakaraang March billing.
Ang low voltage rate ay Php8.7567 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php7.1084per kWh o nagkaroon ng pagtaas ng nasa Php0.4429 per kWh.
Paliwanag ng CANORECO, ang pagtaas na ito ay bunsod ng pagtaas ng Generation Charge, System Loss Charge, Lifeline Subsidy at GRAM/ICERA gayundin ang VAT Charges.
Ang pagtaas naman ng Generation Charge ay dahil sa mas mataas na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), at sa Newcastle Coal Index at US Consumer Price Index components ng billing ng Aboitiz Power Renewables Inc. (APRI) para sa supply month ng March 2021.
Hinimok rin ng Canoreco ang publiko na kung may problema sa linya lalo na ang mga live wire ay mangyaring ireport ito sa mga area offices para agad na mapuntahan ng maintenance team at hindi na maging sanhi pa ng disgrasya.

