CAMARINES NORTE- Iimbitahan sa susunod na regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang mga opisyal ng Camarines Norte Water District (CNWD) at Primewater para pagpaliwanagin hinggil sa tariff adjustment na sinimulang ipatupad noong Hunyo.
Ito ang naging desisyon ng mga Bokal kaugnay sa sulat ni Primewater Branch Manager Engr. Mark Anthony Muroda sa SP kung saan ipinapaliwanag nito ang hinggil sa tariff adjustment.
Nagpasa kasi ng resolusyon ang SP na humihimok sa Primewater na itigil ang 20 % water rate increase dahil na rin sa pagtutol ng mga kunsomidores.
Matatandaan na una nang ipinaliwanag ng villar- owned company kung bakit kinailangang magtaas ng taripa sa tubig.
Sa isinagawang Press Conference noong Hunyo, ipinaliwanag ni BM Muroda ang mga contributory factor kung bakit nagkaroon ng dalawampung porsientong pagtaas sa taripa sa tubig bagay na inalmahan naman ng mga kunsumidores.
Ang mga component umano ng tariff increase ay water treatment, repair and maintenance, extension and improvement, debt service, admin and personnel and other operating costs.
Binigyang diin ni Muroda na ito ang mga bagay na tiningnan ng National Water Resources Board (NWRB) kung bakit akma ang 20 percent tariff increase.
Sa naturan ding Press Conference ay ipinagtanggol ng CNWD na tumatayong Contract Monitoring Unit (CMU) ang Primewater kaugnay sa pagtataas ng taripa.
Sinabi ni CNWD Board Chairman Adolfo Ogad na bagamat medyo may kataasan ang 20 % na tariff increase ay justifiable naman umano ito dahil sa kapalit na mga proyekto na magpapaganda sa sistemang patubig.
Taong 2014 pa umano huling nagtaas ng taripa sa tubig ang CNWD kaya napapanahon na rin ito.
Gayunman sinabi rin noon ni Ogad na kung hindi maisasakatuparan ng Primewater ang mga component projects na magpapaganda sa serbisyong patubig ay maaari umanong i- hold ng CNWD o i- revoke ang 20 % tariff increase alinsunod sa Board Resolution.
