SORSOGON CITY—Ini-refer na sa Committee on Senior Citizen at Committee on Budget and Appropriation ng Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon ang ipinanukalang ordinansa ni Board Member Benito ‘Boytee’ Doma na “The Octogenarian and Nonagenarian Recognition and Cash Grant Ordinance of the Province of Sorsogon”.
Ang ordinansa ay naglalayong magbigay ng cash incentives sa mga kwalipikadong senior citizens na may edad 80-90 anyos.
Makatutulong umano ito sa mga nakatatanda sa pagbili ng kanilang mga pangangailangan tulad ng gamot.
Sa ilalim ng ordinansa, makatatanggap ng halagang P30,000 ang lahat ng nabubuhay na senior citizen edad 80-89 anyos o Octogenarians at P50,000 sa mga senior citizen edad 90-99 anyos o Nonagenarians.
Ayon sa may-akda, bihira na ang umaabot sa edad na 100 taong gulang kaya minarapat ng nasabing panukalang ordinansa na magbigay ng insentibo sa mga aabot sa edad na 80 at 90.
