KORONADAL CITY — PINAPLANO ngayon ng city government ng Koronadal na i-develop bilang resettlement housing area para sa mga informal settlers ang mga nakatiwangwang at hindi ginagamit na mga lupain sa lungsod.
Ayon kay City Mayor Eliordo Ogena, inatasan na nito ang City Environment and Natural Resources Office o CENRO na i-assess ang nasabing mga mga lupain at i-proseso ang pagpapatitulo.
Kabilang umano sa mga lupain na unang tinukoy ng CENRO ay ang portion ng mga nakatiwangwang na lupain sa Barangay Paraiso.
Ayon sa alkalde na pinag-aaralan ang nabanggit na istratehiya dahil sa mahal na presyo ng mga titulado lupa sa lungsod.
Sa halip na bumili ng lupa, maaari naman umanong gamitin ng gobyerno ang pondo nito sa pag-develop ng mga resettlement sites sa mga lupaing pag-aari din ng syudad.
Napag-alaman na sa ngayon, 2.8 hectare na resettlement housing site ang dine-develop ng city government sa Barangay New Pangasinan sa pamamagitan ng pondo mula sa National Housing Authority o NHA.
Nasa P25 millon na grant umano ang inaprobahan ng NHA para sa nasabing proyekto maliban pa sa dagdag na P25 million na loan para sa construction ng mga housing unit para sa 170 pamilya.
