Maaaring humantong sa kanselasyon ng business permit ng mga nagtitinda ng frozen meat sa lunsod ng Cauayan sa oras na hindi nila nasusunod ang regulasyon o guidelines sa pagtitinda nito.
Ito ay kasunod ng pagkakakumpiska ng Cauayan City Veterinary Office ng mahigit 77 kilos ng tinatawag na ‘mishandled’ frozen meat sa tatlong vendors sa lunsod.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, ang City veterinary Officer, sinabi niya na nakumpiska ang mga naturang karne ng baboy matapos ireport sa kanilang tanggapan ang hindi tamang pamamaraan sa pagtitinda ng imported frozen meat.
Ayon sa kaniya, kailangan ang mga frozen meat ay nasa loob lang ng freezer at hindi inilalagay sa ‘open area’ upang mapanatili ang kalidad nito.
Aniya, binabalaan muna ang mga nahuling vendor at kapag uulitin pa ang naturang paglabag ay maaring irekomenda na ng City vet ang kanselasyon ng kanilang business permit.
Inihayag din ni Dr. Dalauidao na kumpleto naman sa mga dokumento ang mga panindang frozen meat ng mga naturang vendor ngunit nalabag ang guidelines sa tamang handling nito.
Kaugnay nito ay pinaalalahanan naman ang iba pang vendor ng frozen meat sa lunsod na siguraduhing nasusunod ang mga regulasyon at guidelines sa pagtitinda ng nasabing produkto.
Samantala, ibinaon naman ng mga kawani ng City vet ang mga nakumpiskang karne.