BICOL—Pumalo na sa 61% ng target ang mga nabakunahan laban sa COVID-19 sa Bicol sa isinagawang National Vaccination Days.
Sa huling tala ng Department of Health (DOH) Bicol, umabot sa 707, 077 ang mga nabakunahan sa kabuuang 1,152,952 na target ng rehiyon para sa nasabing aktibidad.
Ilan sa mga top performing LGUs ay ang lungsod ng Legazpi, lungsod ng Iriga at islang lalawigan ng Catanduanes.
Umabot kasi sa 222% ng kanilang target ang nabakunahan sa lungsod ng Legazpi matapos na maturukan ang nasa 19,748 na indibidwal, mula sa 8,888 na tinakda ng DOH.
Ang lungsod ng Iriga naman ay nakapagbakuna ng 112% ng kanilang target na katumbas ng 14,906 vaccinated individuals mula sa 13,355 na target.
Habang ang lalawigan ng Catanduanes ay nakapagbakuna ng 96% ng kanilang target na katumbas ng 42,715 vaccinated individuals mula sa 44,486 na target.
Maliban sa mga ito, pasok din sa limang top performing LGUs sa Bayanihan Bakunahan ang lungsod ng Tabaco na umabot sa 72% ng target ang nabakunahan at ang Naga City na nakapagbakuna ng 70% ng kanilang target.
Mababatid na pinalawig hanggang kahapon ang Bayanihan Bakunahan National Vaccination Days sa ilang mga LGU dahil sa dami pa ng mga kailangang bakunahan.### | slm