Hirap na hirap na raw at hindi na alam kung saan kukuha ng pang gastos ang mga mangingisda sa Cavite na apektado ng oil spill.
Ito nga ay matapos magdeklara ng fishing ban si Governor Jonvic Remulla, limang araw makalipas kumalat ang oil spill sa baybaying dagat ng Cavite dulot ng lumubog na MT Terra Nova sa Limay, Bataan.
Ilan sa mga mangingisda sa Noveleta, Cavite ang pumasok muna sa construction para matustusan ang pangangailangan ng pamilya lalo pa at may mga anak na nag-aaral.
Ayon sa kanila, ang isang araw na hindi makapangisda ay napakahirap na lalo pa ngayon na isang linggo na silang hindi nakakapalaot.
Umaasa naman sila na matutulungan sila dahil hindi raw sumasapat ang mga ayudang ibinibigay sa kanila at tanging dagat lamang ang alam nilang makakabuhay sa kanila.