Pumalo na sa 54 ang mga lugar na nasa “highest alert level para sa COVID-19” sa bansa, matapos madagdagan ng anim pang lugar.
Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), ang Zambales at Guimaras na dating nasa alert level 2 at Antique, Bohol, Zamboanga Del Sur at Cotabato na dating nasa alert level 3, ay nasa alert level 4 na ngayon.
Batay sa metrics ng DOH, ang mga lugar ay inilalagay sa alart level 4 kung ito ay nasa moderate to critical risk at kung ang health care utilization rate (HCUR) o Intensive care utilization rate (ICUR) ay mahigit 70%.

Samantala, ang Aurora naman na dating nasa alert level 1, at Nueva Vizcaya, Zamboanga Sibugay, Misamis Occidental, at Surigao Del Sur na dating nasa alert level 2 ay nasa alert level 3 na ngayon.
Sinabi rin ng ahensya, na tumaas ng 30% ang bilang ng kaso noong nakaraang linggo at nagtala ng average 10,459 na kaso bawat araw mula Agosto 6 hanggang 12 mas mataas kumpara sa daily average na 7,987 noong Hulyo 30 hanggang Agosto 5.
Sa kasalukuyan, nasa 1.7 milyon na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa .