Iimbestigahan ng House of Representatives ang independent research group na OCTA Philippines, para sa mga datos at rekomendasyon nito laban sa COVID-19 na madalas gamitin ng media para sa mga ulat nito.
Isinulong ng liderato ng kamara ang probe in aid of legislation, na inaasahang bubusisi sa kwalipikasyon, research methodologies, partnerships, at komposisyon ng research group.
Sa ilalim ng House Resolution 2075, ay pangungunahan ng committee on good government and public accountability ang inquiry.
Inihain ito nina Deputy Speakers Bernadette Herrera ng Bagong Henerasyon party-list, at Kristine Singson-Meehan ng Ilocos Sur second district; economic affairs committee chair Sharon Garin; at iba pa.
Ipinaliwanag ng mga kongresista na kinakailangan sa public health at public policy na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng populasyon sa gitna ng pandemya.
Iginiit rin ng mga mambabatas na dapat ay tama at hindi iresponsable ang mga impormasyon na naipakakalat.

Ipinunto ng proponents na maraming media outlets ang gumagamit sa mga rekomendasyon ng OCTA kabilang na ang hard lockdown ngayong buwan sa gitna ng banta ng Delta variant.
Inihayag nila na dapat rin ay ma-validate ang koneksyon ng OCTA Research at ng University of the Philippines System.
Matatandaan na tinukoy sa mga dating inforgraphics at press releases sa iba’t-ibang media outlets at social media platforms ang grupo bilang “University of the Philippines-OCTA o ang UP-OCTA Research team.
Kalaunan ay na-quote si OCTA Research fellow professor Ranjit Rye kung saan ay tinukoy nito ang grupo bilang “UP-OCTA Research team”
Gayunman, sinabi ni UP Diliman associate professor Peter Cayton sa isa sa mga news report na walang opisina sa kanilang campus na may pangalang OCTA, at hindi rin makikita ang grupo sa kahit anong organizational structure ng UP.
Base sa website ng OCTA ay tinukoy nito ang kanilang sarili bilang “polling, research at consultation firm” na nagbibigay ng “data analysis na makakatulong sa mga kliyente nila sa gobyerno at pribadong sektor sa NGO community.