LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na pumalo na sa 5,268 mga pamilya ang inilikas sa mga evacuation centers sa lalawigan dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay APSEMO Research Division Chief, Eugene Escobar, ito ay binubuo ng aabot sa 19,082 na mga indibidwal. Aniya, kasama na sa datos na ito ang ilang mga munisipyo na katatapos pa lamang magsagawa ng mandatory evacuation.
Bukod dito, nakalakip na rin kahit ang mga lugar sa labas ng 6km permanent danger zone.
Sinabi ni Escobar, pinalikas na ang mga residenteng mula sa mga hindi sakop ng 6km PDZ partikular ang ilang mga barangay sa Guinobatan at Santo Domingo alinsunod sa rekomendasyon ni APSEMO head, Dr. Cedric Daep dahil mayroong mga lugar doon na delikado kahit pa hindi sakop ng nasabing PDZ.
Halimbawa na lamang dito ay sa Guinobatan, kung saan ilan sa mga barangay nito ay may mga daanang malapit sa Mayon gullies.
Delikado umano ito dahil maaaring madaanan ng pyroclastic density materials ang naturang mga lugar.
Sa Sto. Domingo naman ay pinalikas ang 5 barangay kahit pa nasa 7km PDZ alinsunod sa utos ng alkalde nito.
Samantala, kamakailan ay kinumpirma na ng PHIVOLCS na mayroon nang ibinubugang lava ang bulkan, ngunit sa ngayon ay hindi pa masabi ni Escobar kung anong lugar ang posibleng direktang maapektuhan ng lava.