Hindi na kayang tugunan ng mga hospital sa lunsod ng Cauayan ang dami ng bilang ng mga aktibong kaso sa syudad na tinamaan ng COVID-19.
Ito ang inihayag ni Cauayan City Mayor Bernard Dy sa kaniyang public address ngayong araw.
Aniya, malaking hamon ang patuloy na pagtaas ng kaso sa lunsod kung saan kabilang na ito sa critical areas sa buong rehiyon.
Batay sa pinakahuling datos ng City Health Office as of October 5, 2021, mayroong 493 total active cases ang syudad matapos maidagdag ang 117 na mga bagong kaso.
Mula aniya sa naturang bilang 451 dito ang nakahome quarantine, 17 ang nasa pampubliko at pribadong pagamutan, 5 ang nasa isolation units at 20 ang nasa barangay quarantine facilities.
Ayon kay Mayor Dy, 427 sa mga pasyente ang nakararanas ng mild symptoms katulad ng ubo, sipon at lagnat, 20 ang moderate cases at 46 ang asymptomatic.
Kaugnay nito, upang matugunan ang pasyente na hindi na kayang ma-accommodate sa mga hospital ay nagbigay ang LGU ng karagdagang 100 na pulse oximeter at handy oxygen sa RHU 1 at RHU 2.
Ito aniya ay bilang tulong sa mga nangangailangang COVID-19 positive na naka-home quarantine.
Ayon pa kay Mayor Dy, nakakaalarma ang mga nararanasang sitwasyon kaya naman mananatili sa Hybrid GCQ Bubble ang lunsod hanggang October 15, 2021 maliban lang kung bawiin ito o paliwigin pa.
Nilinaw naman nito na sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga tinatamaan ng COVID-19 ay hindi kakayaning isailalim pa sa mas mahigpit na community quarantine ang lunsod.