MABABAWASAN na ang pasanin ng mga travelers na nais pumunta o bumisita sa Probinsya ng Cebu.
Ito ay matapos magpalabas ng executive order No. 15 si Cebu Governor Gwendolyn Garcia na pinagtibay ang Inter-Agency Task Force resolution no. 168 kung saan inaalis na nito ang negative RT-PCR test requirement ng mga dayuhan at Pilipinong dumarating sa bansa.
Kung kaya’t sinuman man ang mula sa ibang bansa na ganap ng nabakunahan laban sa Covid-19 at nakatanggap na ng booster shot na gustong bumisita sa Cebu ay hindi na hahanapan ng negatibong resulta ng RT-PCR test.
Ang ipapakita na lang ay ang proof of vaccination sa Word Health Organization International Certificate of Vaccination and Prophylaxis; VaxCertPH; national o state digital certificate o vaccination card mula sa bansang pinagmulan.
Para naman sa mga dayuhan na hindi pa nabibigyan ng booster shots, dapat silang magpakita ng RT-PCR test na kinuha sa loob ng 48 oras o Antigen Test na kinuha sa loob ng 24 na oras bago ang araw o oras ng pag-alis sa kanilang lugar.
Bukod dito, kinakailangan din silang magkaroon ng valid ticket sa kanilang pagbabalik sa kanilang bansa o sa susunod na destinasyon; may balidong pasaporte at hinihikayat na kumuha ng travel insurance para sa COVID-19.(BNFM CEBU)
#