Dumipensa ang Commission on Elections sa ipinanawagan nitong batas sa Kongreso para i-regulate na ang paggamit ng social media lalo na ng mga pulitiko.
Ayon kay COMELEC Commissioner Erwin Garcia, ang inirekumenda naman nilang regulation ay para lamang sa panahon ng pangangampanya.
Mababatid kasing sa gitna ng pag-usbong ngayon ng mga social media trolls at pagpapakalat ng mga propaganda, iminungkahi ni Garcia na magkaroon na rin ng batas para mabantayan ang paggamit sa social media.
Sa panayam, sinabi ni Garcia na maihahalintulad lamang ito sa mga regulation na ipinatutupad sa telebisyon, radyo, at sa dyaryo kung saan ay mayroong lamang limit sa pag-ere ng mga political ads.
Ganun din aniya ang nais nilang ipatupad sa social media kung saan ay mababantayan ang nagagastos at mga ipinalalabas na social media advertisements.
Maliban sa limit sa social media ads, mas matutukoy din aniya kung sino ang mga nagpapakalat ng propaganda laban sa isang kandidato.
Sa ganitong paraan umano, mas matitiyak na mayroong patas, at malinis na halalan.
#