NAGA CITY – “Walang ordinansang nagbabawal sa mga e-bike users na hindi taga Naga City na bawal na silang magrehistro o pumasok sa lungsod, kahit na sa susunod na Linggo ay magiging mahigpit na ang lungsod na manghuli ng mga e-bike at e-trike na hindi rehistrado at walang lisensya. Basta’t rehistrado ka at may lisyensya kahit mula ka pa sa karatig bayan, makakapasok ka.”
Ito ang binigyang diin ni Jonathan “Boboy” Hernandez, Naga City Bicycle Board Chairperson, kaugnay sa balitang pagbabawalan na ang mga e-bike users mula sa ibang bayan dahil sa problema ng mga tricycle at jeepney driver na wala na umanong nakukuhang pasahero. Sinabihan pa ang ilang magpaparehistro na hindi na sila maaaring magrehistro pa.
Kung saan ayon pa sa opisyal, tuloy-tuloy ang pagpaparehistro at hindi nila maaaring pagbawalan lalo na’t ginagamit ng marami sa pagpasok sa trabaho, may kailangan sa lungsod o maghahatid ng kamag-anak. Hindi lamang maaaring ipamasada dahil ito ay personal na gamit lamang.
Ayon naman kay Grace Rojas, Chief Land Transportation Office, walang kautusang pagbabawalan na, ang sa kanila bawal na ang mga hindi rehistrado at walang lisensya sa lungsod lalo na ang mga taga ibang bayan.