Dumarami na ang bilang ng mga doktor na nag-aalok ng kanilang mga klinika na maaring magamit bilang vaccination sites sa ilalim ng ikaapat na “Bayanihan, Bakunahan” drive laban sa COVID-19.
Ayon kay Philippine Medical Association (PMA) president Dr. Benito Atienza, kailangan munang makipag-ugnayan ng mga nasabing doktor sa Department of Health alinsunod sa mga umiiral na protocols.
Ipinunto ni Atienza na nagpapatuloy ang pagpapalista nila sa mga doktor na nais tumulong sa vaccination drive.
Iginiit niya na para ito sa booster doses ng 18-anyos pataas.
Ipinaliwanag naman ni Atienza na ang COVID-19 vaccination ng mga edad 5-17 ay kadalasang ginagawa na sa mga ospital, kung saan ay may mga pasilidad ito na pinaglalagyan ng formulated vaccines.
