Hindi inalintana ng mga deboto ng Itim na Nazareno ang mainit na panahon at mahabang pila para sa nagpapatuloy na ‘Pagpupugay’ sa Qurino Grandstand at sa Simbahan ng Quiapo.
Sa huling datos ng Quiapo Church Operation Center – umakyat na sa halos 230,000 ang bilang ng mga nagsipag-dagsaang deboto sa Quiapo Church; habang nasa 120,000 naman ang mga pumila sa Quirino Grandstand.
Sa ngayon, nananatili pa rin ang ‘zero crime incidence’ sa mga aktibidad ng Nazareno sa Maynila.
Ayon kay Manila Police District (MPD) director BGen. Andre Dizon, mapayapa pa rin ang nagpapatuloy na ‘Pagpupugay’ at ang katatapos lang na ‘Walk of Faith’.
Naka-standby pa rin ang mga tauhan ng MPD hanggang sa kahuli-hulihang misa na matatapos mamayang hatinggabi.
Ayon naman kay Fr. Earl Allyson Valdez, tagapagsalita ng kaganapan, wala silang mga naitalang untoward incidents at mga seryosong security threats para sa isinaos na ‘Walk of Faith’ at sa nagpapatuloy na mga kaganapan sa Quirino Grandstand.
Aniya, hanggang sa mga nalalabing oras at nananatiling matagumpay ang mga idinaraos na misa at ‘Pagpupugay’ na ipinalit sa ‘Pahalik’ at sa tradisyunal na ‘Traslacion’.
Umaasa naman si Fr. Valdez na unti-unti nang gaganda ang health situation sa bansa para mapayagan na ang panunumbalik ng Traslacion sa susunod na taon.
Samantala, sinabi rin niya na kung ano man ang mga natutunan nila sa ‘successful’ na Walk of Faith at Pagpupugay ay ia-apply nila para sa susunod na mga taon.
BBM Message on Nazareno
Nakiisa si Pangulong Bongbong Marcos sa mga Katolikong Pilipino sa pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno.
Panawagan ni Marcos na ituring ang naturang selebrasyon na symbolic movement para sa pangkalahatan at makamundong paglalakbay, maging sa paghahanap ng bagong kahulugan sa passion at paghihirap ng mga tao.

Mensahe rin niya na ang pananampalataya ang siyang daan upang malampasan ang mga dagok at bagyo na posibleng kaharapin ng mga tao.
Sa huli, humiling ang pangulo ng ligtas, makabuluhan at banal na pagdiriwang para sa lahat.
#
