Ibinida ni House Speaker Martin Romualdez ang mga bagong amiyenda na ipinaloob sa 2025 proposed national budget na inaasahang magsusulong ng mas matatag na komunidad at magpapaigting sa social services.
Sa kanyang opening address sa pagbabalik ng sesyon sa Kamara, binigyang-diin ni Romualdez na nalampasan ng bansa ang malawak na epekto ng El Niño at pagbaha na nagdulot ng pinsala sa sektor ng agrikultura at kabuhayan ng mamamayan.
Bilang tugon ay magiging prayoridad aniya ng budget ang strategic shift mula sa tradisyunal na flood control patungo sa komprehensibong water management initiatives.
Kabilang na rito ang water impounding systems na magha-harvest ng tubig-ulan, mga solusyon sa pagbaha at pagtitiyak na sapat ang tubig tuwing dry season.
Bukod dito, ipinaliwanag ni Romualdez na naglaan ang Kamara ng 293.23 billion pesos upang palakasin ang social services pati na ang social safety nets at seguridad sa pagkain.
Hiwalay pa umano ito sa 591.8 billion pesos na alokasyon ng Department of Budget and Management para sa cash assistance sa mahihirap na pamilya.
Susuportahan naman ng enhanced budget sa susunod na taon ang mga programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations, Ayuda sa Kapos ang Kita Program, sustainable livelihood, TUPAD, Government Internship Program, Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong program.