CAMARINES NORTE- Nasungkit ng Mercedes, Camarines Norte ang ikatlong pwesto sa Regional Level para sa Malinis at Masaganang Karagatan (MMK) program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon kay Provincial Fishery Officer Rolando Tiam nakuha ng Sangay at Tinambac sa Camarines Sur ang una at ikalawang gantimpala matapos ang ginawang site validation.
Dahil dito, tatanggap ang Lokal na Pamahalaang bayan ng Mercedes ng limangdaang libong pisong halaga ng livelihood project bilang premyo.
Ang LGU ay maaaring gumawa muna ng project design o project proposal at ang gantimpala ay ibibigay ng Regional Office mula sa pondo ng BFAR.
Ang MMK ay isa sa banner programs ng BFAR na naglalayong bigyang pagkilala ang outstanding initiatives at contributions ng coastal municipalities and cities sa sustainable fisheries management.
Kabilang sa mga criteria para manalo sa MMK ay dapat walang illegal fishing activities sa lugar, pagsunod sa closed fishing season, pag -establish ng marine protected areas, malinis na coastal waters at walang domestic at industrial wastes at pagkakaroon ng epektibong mangrove protection and rehabilitation programs.
Unang nanalo sa Regional level ang Mercedes noong 2017.
Kung maalala ay una nang umapela ang BFAR partikular sa mga taga Mercedes na makipag tulungan sa mga programa ng LGU sa pangangalaga ng karagatan.
