Kinumpirma ng Taytay Municipal Police Station ang isang insidente sa Barangay Pancol Taytay, Palawan noong gabi ng Lunes, May 20, 2024.
Ginanap dito ang LGU Fun Day/Mayors Night.
Sa ulat ng PNP, bandang 10:10 ng gabi habang isinasagawa ang aktibidad, nasaksihan ng biktima Mayor Christian V. Rodriguez si Kapitan Ernesto Temple Martin Jr., na armado umano ng kutsilyo na nakatutok sa pagtanggal ng tarpaulin na pag-aari ni Mayor.
Agad na kumilos ang alkalde para pigilan ang 53- anyos na kapitan sa pamamagitan ng paghawak nito sa kanyang kamay.
Sa gitna ng pagtangkang pagkuha ng patalim ng alkalde sa punong-barangay, nasugatan si Mayor Rodriguez sa kanyang kanang gitnang daliri hanggang nakuha na nito ang patalim sa kapitan.
Agad na dinala ang suspek sa Taytay MPS para sa tamang pag-aaksyon at karagdagang imbestigasyon.
Samantala, sinisikap ng Brigada News FM na makausap ang dalawang opisyal tungkol dito.