Pinagmumulta ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) – Regulatory Office ng halos P4-M ang Maynilad dahil sa pagbibigay nito ng hindi magandang kalidad ng tubig sa ilang Barangay sa Imus, Cavite.
Babayaran ito ng Maynilad sa pamamagitan ng rebate o balik-bayad na nagkakahalaga ng P1,122.37 kada customer.
Ibabawas ito sa bill ng mga residente ng halos 3,500 kabahayan, sa siyam na Barangay sa Imus.
Ayon sa MWSS, nag-ugat ito sa mala-kulay kalawang na natanggap na tubig ng mga customer ng Maynilad sa Imus mula noong Disyembre 19, 2023 hanggang Enero 24, 2024.
Bukod dito, Nakitaan din ng chlorine residue ang isinu-supply na tubig, na paglabag sa service obligation ng water concessionaire.