Target ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na busisiin ang lahat ng mga nabasurang kaso partikular ang may kinalaman sa iligal na droga buhat nang magsimula ang giyera kontra droga noong 2016.
Ito ay ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, para hindi umano masayang ang panahon, pondo at oras para sa mga pagsasampa ng kaso sa piskalya o sa hukuman na sa huli ay nababasura lamang dahil sa teknalidad.
Ayon sa Gen. Eleazar, target nilang pataasin ang conviction rate sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga dahil ito aniya ang indikasyon na nagtatagumpay ang war on drugs ng administrasyon.
Kailangan aniyang matiyak na malakas ang ebidensya sa mga kasong kanilang isinasampa kaya’t marapat lamang na alamin ang puno’t dulo at kung saan nagkamali ang mga pulis kung bakit ito ibinabasura ng korte.
Bukod dito, nais ding malaman ng PNP Chief kung sino-sino ang mga pulis na posibleng nakikipagsabwatan sa mga akusado kaya’t humihina ang ebidensya hanggang sa mapatay ang kaso.
Batay sa datos mula noong 2016, kung kailan inilunsad ang war on drugs, aabot na sa mahigit 289,000 na drug suspect ang naaresto ng mga awtoridad mula sa mahigit 2,600 na kanilang ikinasang operasyon.