Naniniwala si Sen. Raffy Tulfo na makakatulong para ma-decongest ang mga bilangguan at mapabilis ang paglilitis ng mga nakabinbing kaso kung magtatayo ng mas maraming korte at magtatalaga ng mga hukom sa buong bansa.
Sa public hearing ng Committee of Justice and Human Rights kasama ang Public Information and Mass Media at Finance, sinabi ni Sen. Tulfo na kung madadagdagan ang mga korte ay mabibigyan na rin ng pag-asa at hustisya ang mga inosenteng inmates na nabubulok sa kulungan habang nililitis ang kaso dahil walang pambayad ng piyansa.
Ayon sa senador anti-poor ang umiiral ngayong sistema sa bansa dahil maraming mga mahihirap ang ginagawang fall guy at napagtritripan dahil alam na walang pambayad ng bail bond.
Sinabi ni Tulfo na balak niyang maghain ng panukalang batas kung saan ang mga awtoridad na nagtanim ng ebidensya para makulong ang isang inosenteng akusado ay mapaparusahan ng kasing-bigat ng ikinaso nila.
Samantala sa naturang pagdinig, napag-alaman mula kay Court Administrator Raul Villanueva na mayroong 1,100 court houses at halls of justice sa bansa, ngunit 400 lamang dito ang pagaari ng Supreme Court (SC).
Ang iba umano dito pag-aari na ng Local Government Units. (LEY BAGUIO)
