NAGA CITY—Iminungkahi ng Lokal na Pamahalaan ng Presentacion sa Provincial Government ng Camarines Sur na magpatupad na ng mas mahigpit na Quarantine Classification upang mapigilan ng mas maaga ang pagkalat ng COVID-19 delta variant.
Ito ang isa sa mga nakikitang mabisang paraan ng Presentacion LGU upang malimitahan ang galaw o paglabas ng mga tao na hindi naman kinakailangan na siyang nagiging tulay o hosts sa transmission ng virus sa bawat indibidwal.
Ayon kay MDRRM Officer Regina Bea habang hindi pa mataas ang infection rate ng naturang variant, ay kailangan na aniyang agapan sa pamamagitan ng agarang solusyon para hindi na dumating sa puntong mas marami ang mahahawaan at mamamatay dahil sa mas relax na community quarantine na kasalukuyang umiiral.
Dagdag pa ni Bea, mas mahihirapan ang lahat sa pagkontrol kung kumakalat na at dumarami na ang nagkakasakit na siguradong hindi kakayanin ng mga ospital sa lalawigan ang paglobo ng bilang ng mga tatamaan ng mas mabagsik na variant ng virus na una nang ibinabala ng ilang eksperto sa probinsya.
Batid ni Bea na kailangan ang rekomendasyon ng DOH Bicol na magbabase sa pagtaas o pagbaba sa COVID-19 case sa bawat probinsya bago makapagrekomenda sa National-IATF ang Provincial LGU.