Pinalilimitahan ni CIBAC Party-list Representative Bro. Eddie Villanueva ang bilang ng baril at armas na maaaring i-rehistro ng isang indibidwal.
Batay sa House Bill 9718 na inihain ni Villanueva, nais nitong amiyendahan ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act partikular ang Section 9 Paragraph 5.
Nakasaad dito na ang mga pinagkakalooban ng Type 5 license o ang certified gun collector ay maaaring magkaroon ng higit sa labinlimang firearms.
Kapag naisabatas ang panukala ni Villanueva, lilimitahan na lamang sa dalawampu ang firearms na maaaring i-rehistro sa Type 5 License.
Ang mga sosobra naman sa dalawampu ay kailangang isuko sa PNP-Firearms and Explosive Office pati na ang lampas 50 rounds ng ammunition sa bawat rehistradong armas.
Paliwanag ng kongresista, umaabot sa 117,000 individuals kada taon ang nababaril at mahigit apatnapu’t dalawang libo rito ay nasasawi dahil sa gun violence kaya kailangan nang maghigpit ang estado.