CAMARINES NORTE- Ginising ng malakas na pag ulan ang lalawigan ng Camarines Norte simula kaninang umaga.
Sa ipinalabas na advisory ng Pagasa Daet Station, Inter Tropical Convergence Zone ang nakakaapekto sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao at ang dahilan naman ng mga naranasang pag ulan sa buong lalawigan ng Camarines Norte simula kaninang umaga ay dahil sa thunderstorm.
Ayon kay Michael Abordo, wala namang ibang weather disturbance ang nararanasan ngayon sa lalawigan.
Posibleng ganitong panahon din aniya ang maranasan bukas pero hindi magtatagal ang ulan.
Asahan na rin umano ang ganitong panahon lalo na sa mga susunod na araw dahil malapit nang umiral ang amihan sa probinsiya na magdadala ng mga pag ulan.
Kapag amihan ay madalas na rin umano ang gale warning.
Malaking tulong naman ang mga nararanasang pag ulan ngayon lalo’t malapit nang umabot sa critical level ang ilang spring sources bunsod naman ng mahabang panahon ng tag init.
Ayon sa Pagasa nasa mahigit 20 milimiter ang naitalang rainfall amount kaninang umaga dito lang sa Daet kaya’t maaaring maramdaman ang pagtaas ng lebel ng tubig sa mga spring sources.
Samantala, ayon naman sa Philippine Coast Guard, kalmado ang kondisyon ng dagat ngayon sa kabila ng nararanasang mga pag ulan.

