Ipinagdiwang ng Mexican telenovela superstar na si Thalia, na kilala sa kaniyang role bilang “Marimar”, ang kaniyang ika-50 kaarawan noong August 26.
Base sa kaniyang mga posts sa Instagram ay idinaos ni Thalia ang kaniyang kaarawan sa pamamagitan ng isang pool party sa kaniyang mansyon sa Connecticut, U.S.A.
Makikita sa mga litrato na young at sexy looking pa rin ang aktres habang suot-suot ang kaniyang makulay na swimsuit.
Sa caption ng kaniyang post ay mababasa ang “sin-cuenta” na ang ibig sabihin ay “without account” o “not to count” ngayong siya na ay “cinquenta” (50).

Dagdag ni Thalia sa kaniyang post, hindi na niya kailangan pang bilangin ang mga tao na nakasakit sa kaniya, at sa halip ay pahahalagaan niya na lamang ang mga tao na patuloy siyang minamahal.
Iginiit rin ng aktres na natutunan niyang huwag bilangin ang economic status ng isang tao, at matuto na pahahalagaan na lamang ang tinatamasa niyang kapayapaan, kasiyahan, at pagmamahal na nakukuha niya sa mga malalapit na tao sa kaniyang buhay.
Noong Sabado naman, August 28, ay nagkaroon ng surprise birthday celebration si Thalia sakay ang isang yate na inorganisa ng American music executive na si Tommy Mottola, na naging asawa niya sa loob ng 21 taon.