Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna Pangan na handa ang pamahalaang lungsod sakaling magkaroon sila ng kaso ng mpox.
Kasunod ito kumpirmasyon ng Department of Health na may dalawang bagong kaso ng mpox sa bansa na kapuwa taga-Metro Manila.
Sa isang news forum na ginanap sa Maynila, sinabi ng alkalde na laging handa ang City Health Department.
Aniya, laging bukas ang kanilang anim na ospital dahil lahat ng ito ay may infectious unit.
Hindi naman masigurado ng Alkalde kung taga saan mismo ang mga nagpositibo sa mpox kung sa Quezon City ba o sa Maynila pero sa kabila nito ay patuloy ang pagpapaalala ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng city health department kung paano maiiwasan ang mpox.
Patuloy nilang pinapaalam sa ating mga kababayan kung ano ang mga hindi dapat gawin, at kung ano ang mga dapat iwasan.
Mahigpit naman na pinaaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang mga residente nito na kung sakaling makaranas ng sintomas ng mpox ay agad na komonsulta sa doktor.