Pormal nang naghain ng reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang grupong Manibela laban sa mga opisyal ng Department of Transportation, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Office of Transportation Cooperatives at Office of the Solicitor General sa Office of the Ombudsman.
Ito ay dahil sa anila’y paglabag ng mga ito sa kanilang karapatan kaugnay ng PUV modernization program ng gobyerno.
Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, maraming nilabag ang programa ng mga trasport official.
Aniya, inabuso sila at nilabag ang kanilang karapatan.
Kabilang sa mga sinampahan nila ng reklamo ay sina DOTr Secretary Jaime Bautista, OTC Chairman Andy Ortega, at LTFRB Chairman Teofilo Guadiz.
Bago ang paghahain ng pormal na reklamo laban sa mga transport official, nagsagawa muna ng programa ang grupo sa labas ng Ombudsman.