Ikinasa na ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang manhunt operation laban sa isa pang suspek na responsable sa pamamaril kay Dr. Sharmaine Barroquillo habang sakay ng kanyang kotse sa Buluan, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Director PBGen. Allan Nobleza, ang natukoy na gunman ay isang 16 anyos na lalaki.
Nauna nang sumuko sa mga otoridad ang dalawa pang kasamahan nitong suspek na may edad din 16 at 18.
Ayon kay BGen. Nobleza, pinalakas na nila ang police operations at police visibility sa Munisipyo ng Buluan at kalapit munisipyo na Pandag bilang tugon sa panawagan ng mga magulang ni Barroquillo.
Robbery o pagnanakaw ang natukoy na motibo ng pulisya sa nangyaring pamamaril.
Ayon kay Nobleza ang mga natukoy na suspek ay sangkot sa serye ng robbery hold-up at murder sa Buluan at mga kalapit munisipyo sa Maguindanao del Sur.
Kasong attempted robbery at frustrated murder ang kasong isasampa laban sa mga suspek.