Makabayan solon, imbitado sa Palasyo

Ikinalugod ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang nakatakdang paglagda sa panukala bilang batas na magkakaloob ng teaching supply allowance sa mga guro sa pampublikong paaralan.

Ayon kay Castro, matagal na dapat na naipasa ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” dahil mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga guro sa paghubog sa kaisipan ng susunod na henerasyon.

Sa pagpirma sa panukala ay magkakaroon na aniya ng pondo ang mga teacher na ipambibili ng teaching tools at resources upang makapaghatid ng de kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.

Nakasaad sa panukalang batas na binibigyan ng mandato ang Department of Education upang magbigay ng cash allowance sa public school teachers na nagkakahalaga ng sampung libong piso simula sa school year 2025-2026.

Exempted sa income tax ang allowance na malaking bagay para sa mga guro lalo’t matagal na nilang pinapasan ang gastos sa pagbili ng teaching supplies mula sa sariling bulsa.

Ipinakita naman ni Castro ang isang liham mula kay Presidential Adviser on Legislative Affairs Secretary Mark Llandro Mendoza na nagsasaad ng imbitasyon sa kanya ng Malacanang upang saksihan nang personal sa Palasyo ang paglagda sa “Kabalikat sa Pagtuturo Act” sa darating na Lunes.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *