Maikling buod ng sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia

Noong Huwebes ay inutos na ni Russian President Vladimir Putin ang pagsasagawa ng military operation sa Ukraine.

Dahil diyan ay inulan ng missiles at airstrikes ang Kyiv na kabisera ng Ukraine at ang iba pang malalaking siyudad sa naturang bansa.

Base rin sa ulat ng ilang international news outlets ay tinatayang nasa 190,000 troops ang nagtipon-tipon sa borders ng Ukraine simula pa noong nakaraang taon.

Bago ito ay matagal nang meron sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine, na parehong dating bahagi ng Soviet Union.

Pero nitong 2021, ay lalong tumaas ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa matapos himukin ni President Volodymyr Zelenskyy si US President Joe Biden na payagan ang Ukraine na makisapi sa North Atlantic Treaty Organization (NATO).

Bagay ito na ikinagalit ng Russia, na dahilan upang iutos ni Putin ang pagpapadala ng mga tropa nito malapit sa border ng Ukraine para sa “training exercises” noong panahon ng tagsibol at taglagas ng nakaraang taon.

Bilang tugon, ay binalaan ni Biden ang Russia na maari itong mapatawan ng severe sanctions sakaling matuloy ang pananakop sa buong Ukraine.

Read More:  Senate minority walks out over proposed rules change

Sinabihan naman ng Russia ang US na kailangan nila gumawa ng legally binding guarantee na nagsasaad na hindi magsasagawa ang NATO ng kahit anong military activity sa eastern Europe at Ukraine.

Naniniwala kasi si Putin na ang Ukraine ay puppet lamang ng West, at kahit kailan ay hindi naman talaga naging isang ganap na estado.

Hindi rin ito ang unang beses ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine, dahil noong 2014 ay sinabi ng mga kritiko na sinusuportahan ni Putin ang mga rebelde na umokupa sa malaking bahagi ng eastern Ukraine at nakipaglaban sa Ukranian army. Bagay ito na itinanggi ng Moscow.

Kabilang sa rebel-controlled territories ang Luhansk at Donetsk, at halos isang dekada nang hawak ng pro-Russia separatists.

Inamin naman noon ni Ukraine interim President Alexander Turchinov na tuluyan nang nawala sa kontrol ng gobyerno ang kanlurang bahagi ng kanilang bansa.

Noong 2014 din ay nagdesisyon ang Russia na i-annex ang Crimea, isang dating Soviet republic na naging bahagi na ng Ukraine mula pa noong 1954.

Ginawa ng Russia ang pag-atake matapos ang pag-depose ng Ukraine sa pro-Russian umano na president nito na si Viktor Yanukovych.

Read More:  Labor group pushes ‘no work, no pay’ rule in Senate

Bilang dating bahagi ng Soviet Union, ay meron malalim na koneksyon ang Ukraine sa Russia sa kultura at lipunan, at sa katunayan ay marami ang gumagamit ng Russian na lenggwahe sa Ukraine.

Gayunman, mula nang maganap ang pananakop ng Russia noong 2014, ay lalo lamang humina ang ugnayan ng dalawang bansa.

Tinatayang nasa 14,000 na ang nasawi mula nang mag-umpisa ang giyera sa eastern Ukraine noong maagang bahagi ng 2014.

Pumirma naman ang Russia at Ukraine sa Minsk peace accord na naglalayon na matuldukan ang sagupaan sa eastern Ukraine, kabilang na sa Donbas Region.

Pero habang nagpapatuloy ang kaguluhan, ay sinabi ng Russia na magpapadala ito ng “peacekeepers” sa rehiyon.

Naniniwala naman ang West na smokescreen lamang ito ng Moscow para pagtakpan ang totoong layunin nito na okupahan ang isang sovereign territory.

Nababahala naman ang maraming bansa sa European Union sa bagong tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Dahil diyan ay marami sa NATO signatories sa Europa ang nakiisa sa US sa pag-anunsyo ng sanctions laban sa ilang Russian entities.