Mahigit sampung motorcycle rider na nakasuot ng ‘nut shell’ helmet tiniketan sa One Time Big Time Operation ng LTO at HPG

CAMARINES NORTE – Nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga nagmomotorsiklo na isuot ang tamang uri ng helmet sa pagbiyahe para na rin sa kanilang kaligtasan.

Sa kabila kasi ng paulit- ulit na paalala ng ahensiya sa publiko ay marami pa rin ang mga nahuhuli sa paggamit ng helmet na hindi angkop sa pagmomotorsiklo.

Noong Huwebes labing apat na motorcycle rider ang tiniketan sa joint one time big time operation ng LTO at Philippine National Police Highway Patrol Group dito sa Daet at Sta Elena dahil sa hindi pagsusuot ng standarad helmet.

Read More:  Motorcycle used for livelihood stolen in Puerto Princesa City; owner appeals for return

Karamihan sa mga  ito ay suot nila ang “nut shell” helmet na karaniwang ginagamit ng mga nagbibisikleta at nagsi-skateboard.

Tinatawag itong “nut shell” dahil tinatakpan lang nito ang itaas na bahagi ng ulo, may mga butas at wala pang visor para sa mukha.

Ayon sa LTO mapanganib ito para sa mga nagmomotorsiklo dahil hindi protektado ang buong ulo sa mabilis ng takbo ng sasakyan.

Mayroon ding tatlong motorcycle rider ang natiketan sa naturang operasyon dahil wala talagang suot na helmet.

Read More:  ₱876,800 smuggled cigarettes seized; 3 arrested in Lanao del Norte

Sa ilalim ng Republic Act 10054 o Motorcyle Helmet Act of 2009, pwedeng pagmultahin nang mula P1,500 hanggang P10,000 ang mahuling hindi nakasuot ng standard helmet.

Sa tala naman ng HPG, maliban sa paglabag sa helmet act ay mayroon ding mga natiketan dahil sa ibang violation sa ginawang operasyon.

Kabilang dito ay unregistered, hindi pagdadala ng OR/CR ng sasakyan, no plate attached at hindi pagsusuot ng seatbelt.

Umabot sa 92 violation ticket ang inisyu ng LTO at HPG sa naturang operasyon.