LEGAZPI CITY – Naghahanda ang Philippine National Police (PNP) Bicol sa malakas na pag-ulan at posibleng pagbaha na dala ng bagyong “Paeng” sa rehiyon.
Ayon sa PNP Bicol, mahigit sa pitumpung mga personahe ang nakahanda na sa pagbigay ng kanilang serbisyo sa nasabing bagyo.
Sa ngayon, nasa pitumpu’t pitong tauhan ng PNP na binubuo ng apatnapu’t limang Reactionary Standby Support Force (RSSF) mula sa Regional Headquarters at tatlumpu’t dalawang Quick Response Team mula sa Regional Mobile Force Battalion ang nakalagay para sa posibleng deployment.
Sila ay inaasahang magsasagawa ng paglikas sa mga residenteng naninirahan sa mababang lugar o mga nakakaranas na madaling bumaha.
Dagdag pa nito nakikipag-ugnayan na rin ang mga ito sa mga Local Government Units (LGUs) para sa mga aksyon na gagawin upang maiwasan ang mga panganib at casualty.
Gayundin, ang lahat ng PPOs at CPOs hanggang sa mas mababang mga yunit ay inatasang subaybayan ang sitwasyon ng panahon sa kani-kanilang Area of Responsibilities (AOR) at lumikha ng disaster response teams.