NAGA CITY—Aabot sa mahigit 40 buntis at miyembro ng LGBTQ+Community ang sumailalim sa HIV testing sa bayan ng San Jose, Camarines Sur.
Ayon kay Dr. Arnel Armea, Municipal Health Officer ng San Jose LGU, ang nabanggit na bilang ng mga nagdadalang tao at LGBTQ Group ay pawang nag-negatibo naman sa HIV.
Aniya, ang HIV ay Human Immunodeficiency Virus na sumisira sa mga blood cells na tinatawag na CD4 cells. Ang mga cells na ito ay mahalaga para sa normal na pagtakbo ng immune system na siyang panlaban ng katawan sa sakit.
Kapag ang immune system ay nanghina dahil sa HIV, nagkakaroon ng mga sakit tulad ng cancer at iba’t ibang klase ng impeksyon galing sa virus, bacteria, fungi at parasite. HIV ang virus na nagdudulot ng AIDS.