Mahigit 600 Afghans, siksikan sa US military flight para lang makalabas ng bansa

Viral ngayon sa social media ang larawan ng mahigit 600 Afghans na nagsisikan sa isang cavernous US military plane.

Kasama sa mga sakay ng eroplano ay ang mga babae, lalaki, bata, at matanda, na nais makalabas umano sa Afghanistan na bumagsak sa kamay ng Taliban.

Sinabi ng military news site na Defense One, na kinuhanan ang nasabing imahe sa loob ng US Air Force C-17 transport.

Ayon sa website, nagsagawa ang malahiganteng cargo plane ng night flight na kasama sa mga inaprubahan ng mga otoridad sa US para sa evacuation.

Inihayag naman ng US military na tinatayang nasa 640 Afghans ang sakay ng naturang eroplano.

Gayunman, sinabi ng isang US official na wala sa plano nila na maisakay ang malakihang bilang ng mga tao sa loob lamang ng iisang flight.

Anya, marami sa mga pasahero na desperadong makaalis ng bansa ang umakyat sa half-open ramp na nasa likod ng eroplano.

Ipinunto ng opisyal na nagdesisyon ang crew na ituloy ang pag-alis kaysa ipilit ang pagpapalabas ng mga pasahero.